Thursday, July 2, 2015

Araw ng Kal.. Ano?

Nagdaan ang Araw ng Kalayaan na parang wala lang. Oo, mayroong mga maliliit na watawat sa mga poste ng kuryente at ilang gusali, pero hindi mo ramdam sa mga tao na mahalaga ang kalayaan.

Bakit nila pahahalagahan, e hindi naman pinaghirapan?

Oo, nagbuwis ng buhay ang ating mga bayaning mula Grade 1 pa natin kilala, pero sa pangkalahatan, hindi ramdam ng Pilipino na nakuha niya ang kalayaan bunsod ng sariling sikap.
Tingnan natin ang mga pangyayari noong 1898, ang huling taon ng Rebolusyon. Bago ang taong iyon, isinuko ni Aguinaldo ang rebolusyon kapalit ng danyos at naglagi sa Hong Kong. Kung hindi pa makakakuha ng kaaway na mas malakas ang Espanya e hindi na marahil bumalik pa ang El Presidente.

Sa pag-isponsor ng mga Kano ay bumalik ang Unang Pangulo upang hikayatin ang mga iniwan niyang Katipunero na muling kumalaban sa mga taong umalipin sa atin ng tatlong siglo. Ang hindi niya alam, taktika lang pala iyon para mahati ang mga pwersa ng mga Espanyol at mas madaling matalo ng mga Amerikano.

Nakita agad ang kagustuhan ng mga Kano na magtayo ng kolonya. Idineklarang off-limits sa mga Pinoy ang Manila, at binili ang buong kapuluan sa halagang 10 milyong dolyares.

Sa sumunod na apat na dekada ay inilunsad ng mga Amerikano ang kanilang taktikang gagamitin din nila sa lahat ng mga bansang ‘papalayain’ nila: ang ipakilala ang kulturang Stateside (‘Murica!). Pinuno tayo ng kaisipang ‘US and A’ at halos lahat ng sulok ng kultura natin ay ikiniling natin sa kulturang Amerikano.

Nang dumating ang mga Hapones, sinikap nilang alisin sa mga Pilipino ang impluwensyang ito (at ipalit ang kanilang kultura kahalili nito) pero hindi nagtagal ay nabalewala nang bumalik ang mga Kano, at, sa buwisit ng mga Hapones sa hindi natin pagsunod sa kanila, sinira ang Maynila at pumatay ng libo-libong sibilyan.

Ano na ang lagay ng Pilipinas nang lumaya tayo noong 1946? Ramdam ba nating naipanalo natin ang pagkahaba-habang laban para sa kalayaan? Hindi.

Ibinigay sa atin ang kalayaan na parang batang na-rescue ng Bantay Bata mula sa isang malupit at mapang-abusong tiyuhin. Mapagpasalamat tayo, hindi victorious. At ang pakiramdam na ikaw mismo ang nakakuha ng kalayaan mo ang pinakamahalagang sangkap ng isang bayang mataas ang pagtingin sa sarili at handang humarap sa mga hamon ng hinaharap.

Bagkus makikita natin ang lebel ng pagpapahalaga natin sa sarili tuwing Araw ng Kalayaan. Kung sa ibang bansa ay puno ng pagpapakita ng lakas militar nito at pagbubunyi ng mga tao sa isang kalayaang inasam ng mahabang panahon at ngayon ay dama na, makikita naman sa atin ang pagpapahalaga natin sa kalayaan sa pamamagitan ng pagpunta sa mall, pag-Facebook buong araw, at pagpapasalamat sa  araw na walang pasok at long weekend. Mabuhay ang Pilipinas...


No comments:

Post a Comment