Friday, August 21, 2015

Fix the Problem, Not the Blame

Ang Pinoy ay allergic sa responsibilidad. Ikakatwa niya ang paghawak ng responsibilidad kung walang nakikitang ikabubuti ng kanyang sarili. Pero kapag kitang-kita naman ang premyo sa paggawa ng isang bagay, makikipagpatayan para makuha iyon.

Tingnan na lang natin ag politika. Ah,yes, politics. Mapapansin ang pagdami ng krimen habang papalapit ang eleksyon – nakawan, patayan, at marami pang iba. Bakit? Dahil ba sa gusto nilang pasanin ang responsibilidad ng paglilingkod sa mga mamamayan ng ating bansa? HINDI. Dahil sa Pinas,  pera ang pulitika. Sa Pinas, politics is business, not patritism nor public service.

Bakit kaya? Kasi, short-sighted ang Pinoy. May pakialam lang siya sa nasa harapan niya, lalo kung mabuti ito para sa kanya. Hindi mo masasabihan ang Pinoy na huwag gawin ang isang bagay na makakasama sa kanya hanggat hindi niya ito nakikita ng harapan. At kapag nariyan na nga sa harapan nila, ayan na ang sisihan.

Apatnapu’t apat na miyembro ng Special Action Force, namatay sa ambush. Lahat ay highly-trained, ngunit sa huling sandali ay hindi sila nailigtas ng training nila. Sa pagkamatay ng ika-44 na SAF trooper sa yungib ng Mamasapano, Maguindanao noong umagang iyon ay siya namang pagsisimula ng sisihan. Pero wala man lang ni isang nagtanong: Ano ang dapat gawin sa pagkamatay nila?

Ok, granted na napatay sa isang kahiwalay na operasyon ang nakatakas na teroristang dahilan ng massacre ng SAF44. Pero doon ba tumitigil ang problema? Sa ngayon, tahimik na ang mga kamera. Limot na ang galit na naramdaman. Para sa marami, tapos na ang palabas, naisara na ang chapter na ito sa kasaysayan na paniguradong malilimutan na naman ng sambayanang Pilipino.

Short-sighted ang Pinoy. May pakialam lang siya sa nasa harapan niya. At hanggat hindi nakikita ng Pinoy na ang dapat sugpuin ay hindi ang mga terorista at rebelde kundi ang kondisyon ng lipunan na nanganganak ng mga ito, walang pag-asa ang isang mapayapang Pilipinas.


Sunday, August 2, 2015

Ang Pamahalaan Natin

Ang Pilipino ay sanay sa ‘tulong’ ng pamahalaan. Tuwing may kalamidad maliit man o malaki, walang kikilos hanggat hindi kumikilos ang gobyerno.

Bakit hindi? E halos sa kabuuan ng nakatalang kasaysayan natin ay pinamahalaan tayo ng isang maliit na grupo ng tao at hindi pinayagang magkaroon ng ‘initiative’ ang mga tao sa takot na mawala sa kanila ang kapangyarihang napanalunan nila.

Bago dumating ang mga Espanyol, ang Pilipinas ay binubuo ng mga magkakahiwalay na kaharian at komunidad na na may magkakaibang kultura at wika. Pinanatili ng mga Conquistadores ang ganitong paghihiwalay ngunit nagpatupad ng Kristyanisasyon sa buong kapuluan maliban sa Mindanao.
Magkakahiwalay sa wika, lahat ay nakaasa sa kapariang Espanyol upang ‘magligtas’ sa mga Indio mula sa kumukulong apoy ng impyerno, habang tinatangay ang lahat ng mga bagay na magdadala sa kanila ng kasalanan tulad ng kayamanan at kapangyarihan.

Sa loob ng tatlong siglo ay nahirati ang mga Indio ng Kapuluan ni Felipe II sa kanilang kinalalagyan at nakalimutan ang pagkakaroon ng sariling sikap at determinasyon na kumilos para sa sariling ikauunlad. Nagkaroon ng rebolusyon, ngunit bumagsak dahil sa mga kadahilanang aking nabanggit.
Dumating ang mga Amerikano, at tinuruan ang isang maliit na grupo ng Pilipino upang pumalit sa mga gampanin na dating hawak ng mga Espanyol, at nagpatupad ng malawakang pagpapaaral sa mga Pinoy upang magkaroon sila ng mga trabahador.

Dumating ang mga Hapon, at ang ating pangangailangan ng isang tagapagligtas ay nakita sa ating kawalan ng determnasyon na harangin ang mga mananakop at maghintay sa utos ng mga Kano. Ang resulta? Nadurog ang Maynila, maraming sakahan ang nanatiling nakatiwangwang dahil wala nang butong maitatanim (kinain ng mga Hapon ang lahat at ang tira ay inubos ng mga gutom na Pinoy), at sa unang pagkakataon, naging problema ang krimen dahil sa laganap na surplus na baril galing sa giyera.

Iniwan tayo ng mga Kano, at ibinigay ang pampaayos sa mga nasira nila (reparations) sa pamahalaan, na sa panahng iyon ay puno ng mga taong nawalan rin ng ari-arian at kailangang unahin ang kanilang pamilya. At ipinanganak ang sistemang paulit-ulit nating pinapayagang lokohin tayo: pami-pamilyang may-ari ng mga balwarte saan mang sulok ng bansa na ginagamit ang buwis bilang kanilang sariling ‘trust-fund’.

Ang epekto, halos lahat ng nasa pamahalaan ay interesado lamang gatasan ang baka na tinatawag nating ‘kaban ng bayan’ at walang kumikilos para sa ikauunlad ng bansa. At isang pamahalaan na hindi handa para sa mga malalaking hamon ng isang nagbabagong daigdig.