Sunday, July 8, 2018

Kapag Nilusob Tayo ng Ibang Bansa, Ganito ang Mangyayari


Images from Wikimedia Commons

Paano nga ba ang mangyayari kung lusubin tayo ng ibang bansa? Una, kailangan nating maintindihan na magastos para sa kahit na sinong bansa ang makipagdigma. Nangyayari ang digmaan kung mas malaki ang makukuha nilang ‘return of investment’ sa pakikipagdigma kaysa pakikipagnegosyo na lang.

Maraming maaaring maging dahilan para lusubin tayo ng ibang bansa, pero magfocus na lang muna tayo sa kung ano ang mangyayari kung sakaling mangyari ang wag sanang mangyari.



Una: Kuryente, Internet/Telepono at Tubig
Sa simula ng deklarasyon ng digmaan, ito ang uunahing subukang puntiryahin ng kalaban. Maaaring sa pamamagitan ng pambobomba ng mga eroplano o mga espiyang nasa loob na ng bansa, pati na rin ang cyberattack (mga hacker), ang pinaka-unang gagawin ng isang bansang lulusob sa atin ay ang guluhin ang ating komunikasyon at kuryente para mas mahirapan ang ating pamahalaan na labanan sila. Isa rin sa mga epekto nito ay mawalan ng contact ang mga unit ng militar sa isa’t isa, kaya’t mas mahihirapan silang labanan ang mga papalapit na kaaway.


Ikalawa: Mahahalagang Asset ng Militar
Mga ilang minuto pagkatapos ng naunang atake, sunod ay ang pambobomba sa mga eroplano at barko natin habang nasa base pa lang sila upang hindi na sila magamit para depensahan tayo. Maaaring ito ay sa paggamit ng missile o bomba galing sa mga eroplano, barko at submarine ng kalaban. 

Dahil sa kasalukuyan ay mahina ang ating early warning system at karamihan ng radar ay civilian-owned, isama na diyan ang kawalan natin ng anti-air at anti-ship missiles, mahihirapan tayong protektahan ang mga asset militar natin.

Isa sa mga rule ng makabagong digmaan: "Kung sino ang nagmamay-ari ng himpapawid ang may kontrol ng digmaan."



Ikatlo: Amphibious at Airborne Landing
Kung hindi pa rin tayo sumuko sa mga ginawa nila, sunod ay ang pagpapadala ng mga sundalo (Special Forces) upang kunin ang mahahalagang pasilidad tulad ng airport at dock na maaari nilang gamitin upang makapagdala ng mas maraming sundalo sa bansa.

Sa pamamagitan ng Amphibious (galing sa barko gamit ang mga bangka at landing craft) at Airborne (galing sa eroplano gamit ang parachute o helicopter) na paglusob, kukunin nila ang mga pasilidad tulad ng airport, daungan, mga estasyon ng TV at radyo, atbp. sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang tatlong step na ito ay maaaring matapos sa loob ng 3 hanggang 12 oras, depende sa bilis ng kalaban.



Ikaapat: Maramihang Paglusob
Dito na ngayon dadating ang bulto ng pwersa ng kalaban: mga tangke, helicopter at bata-batalyong mga sundalo. Sa puntong ito ay maaaring watak-watak na ang mga pwersa natin, at sumuko na rin ang pamahalaang sibilyan o nahuli na ang mga lider. Ang mga hindi pa sumusuko ay nagtatago na sa kabundukan o lungsod upang labanan ng patago ang mga lumulusob.

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
--CONCLUSION--

Ang tanong: Kaya ba natin depensahan ang bansa natin?

Ang sagot: Sa ngayon, isang malaking HINDI. Masyado kasi tayong nagpokus sa mga rebelyon at umasa sa United States para depensahan tayo laban sa kung sinumang bansa ang gustong lumaban sa atin. Ngayon, hindi na maaasahan gaano si US tulad ng nangyari sa Scarborough Shoal noong 2012. Kaya panahon na para magising tayo sa katotohanang tayo ang responsable sa bansa natin.

No comments:

Post a Comment