Saturday, March 7, 2020

Ang Tunay na Kalayaan ay nasa Paglilingkod sa Bansa


Ang tunay na kalayaan ay paglilingkod sa bansa.

Kailangan natin ang isa’t isa dahil hindi natin kayang gawin lahat ng bagay na gusto natin. Dahil kailangan natin ang isa’t isa, kailangan nating mabuhay kaugnay sa kagustuhan nila at gayon din sila sa atin. Ang kasunduang ito ang bumubuo sa ating mga kaugalian, pagpapahalaga at mga batas.
Ang paglabag sa kasunduang ito ay paglabag sa kalooban ng sarili, kaya ito nagiging mali. Ang paglabag ay hindi lamang ginawa taliwas sa grupo, kundi maging na rin sa sarili, dahil tayo ang pumiling mabuhay kasama ang ibang tao.
Habang lumalaki ang populasyon, lumalaki rin ang pangangailangan ng mga tao, kaya kailangang ang bawat isa ay bumuo ng isang grupong hindi nangangailan na magkakakilala ang lahat tulad ng isang pamilya, at na makukuha ang kaisahan nito mula sa iisang pinagkukunan ng pagkakakilanlan. Ito ay ang bansa, na ang mga miyembro ay may iisang wika, kultura at kasaysayan.

Bakit natin kailangang maglingkod para sa bayan? Dahil ito ang magdadala sa atin ng mas malaking kasaganahan. Kung isang maliit na grupo lamang ang kikilos ay limitado ang maaatupag na gawain, ngunit kung ang lahat ay kumikilos sa iisang direksyon ay maging bundok ay kayang maitulak.
Ang tunay na kalayaan ay nasa paglilingkod sa bayan. Sa tunay na buhay ay napakaraming posibilidad, napakaraming maaaring gawin, ngunit marami dito ay pagkilos tungo sa wala. Ngunit kung sa bayan ang ating pipiliing pagkilos ay maiaangat natin hindi lang ang sarili kundi ang buong bansa.

Iniisip natin na magiging mas mabuti kung tayo ay magiging makasarili at umasa sa mga pampadali ng gawain tulad ng ‘diskarte’ (na pangalan lamang ng iba sa korupsyon) at pagtatrabaho ng labag sa sinumpaan sa kontrata man o sa bayan. Akala natin ay mas mabuti na sumingit sa pila dahil may kakilala, ngunit pinapabigat natin ang sistema kaya lahat tayo ay nahahatak pababa, kahit ang mismong ‘dumiskarte’, dahil hindi naatim ng sistema na kumilos sa pinaka-potensyal nito.

Ang ating bansa ay hindi tunay na bansa. Hindi tayo kumikilos sa iisang direksyon, tayo ay naghihilahan sa iba’t ibang direksyon dahil hindi natin alam kung ano ang gusto nating maatim na adhikain o direksyon. Ang mga nasa taas ay gustong magpayaman lamang sa pamamagitan ng pandaraya sa mga nasa ibaba ng kung ano ang narararapat sa mga ito, habang ang mga nasa baba ay ninanakawan ang pinagtatrabahuhan sa pamamagitan ng maling pagtatrabaho.

Tingnan ang isang kumpanya na ang mga pinuno ay hindi nagpapasahod ng maayos, bumibili ng mahihinang materyales at pinangsusugal ang kapital; at mga manggagawa naman na nagnanakaw ng mga kagamitan sa trabaho at gumagawa lamang ng kung ano ang quota para sa araw o nandadaya sa kalidad ng gawa kung may bonus para sa paglagpas sa quota. Ano kayang klaseng produkto ang ilalabas nito?

Hindi gagana ang isang bansa kung ang mga tao ay hindi maniniwala dito. Hindi natin maaaring ipagpatuloy na mabuhay para sa sariling kagustuhan lamang, dahil kailangan natin ang isa’t isa upang marating ang mga mismong kagustuhan na pinapangarap nating makuha. Lalaya lamang tayo at magagawa ang gusto kung ibubuhos natin ang buhay natin tungo sa pagtupad ng adhikain ng lipunan, ang paggalang ng mga institusyon, pamumuhay ng may karangalan at naaayon sa mga kautusan ng Diyos. Ang tunay na kalayaan ay paglilingkod sa bansa.

No comments:

Post a Comment