Ang Pilipino ay sanay sa ‘tulong’ ng
pamahalaan. Tuwing may kalamidad maliit man o malaki, walang kikilos hanggat hindi
kumikilos ang gobyerno.
Bakit hindi? E halos sa kabuuan ng nakatalang
kasaysayan natin ay pinamahalaan tayo ng isang maliit na grupo ng tao at hindi
pinayagang magkaroon ng ‘initiative’ ang mga tao sa takot na mawala sa kanila
ang kapangyarihang napanalunan nila.
Bago dumating ang mga Espanyol, ang
Pilipinas ay binubuo ng mga magkakahiwalay na kaharian at komunidad na na may
magkakaibang kultura at wika. Pinanatili ng mga Conquistadores ang ganitong
paghihiwalay ngunit nagpatupad ng Kristyanisasyon sa buong kapuluan maliban sa
Mindanao.
Magkakahiwalay sa wika, lahat ay nakaasa
sa kapariang Espanyol upang ‘magligtas’ sa mga Indio mula sa kumukulong apoy ng impyerno, habang tinatangay ang
lahat ng mga bagay na magdadala sa kanila ng kasalanan tulad ng kayamanan at
kapangyarihan.
Sa loob ng tatlong siglo ay nahirati ang
mga Indio ng Kapuluan ni Felipe II sa kanilang kinalalagyan at nakalimutan ang
pagkakaroon ng sariling sikap at determinasyon na kumilos para sa sariling
ikauunlad. Nagkaroon ng rebolusyon, ngunit bumagsak dahil sa mga kadahilanang
aking nabanggit.
Dumating ang mga Amerikano, at tinuruan
ang isang maliit na grupo ng Pilipino upang pumalit sa mga gampanin na dating
hawak ng mga Espanyol, at nagpatupad ng malawakang pagpapaaral sa mga Pinoy
upang magkaroon sila ng mga trabahador.
Dumating ang mga Hapon, at ang ating
pangangailangan ng isang tagapagligtas ay nakita sa ating kawalan ng
determnasyon na harangin ang mga mananakop at maghintay sa utos ng mga Kano.
Ang resulta? Nadurog ang Maynila, maraming sakahan ang nanatiling
nakatiwangwang dahil wala nang butong maitatanim (kinain ng mga Hapon ang lahat
at ang tira ay inubos ng mga gutom na Pinoy), at sa unang pagkakataon, naging
problema ang krimen dahil sa laganap na surplus na baril galing sa giyera.
Iniwan tayo ng mga Kano, at ibinigay ang
pampaayos sa mga nasira nila (reparations) sa pamahalaan, na sa panahng iyon ay
puno ng mga taong nawalan rin ng ari-arian at kailangang unahin ang kanilang
pamilya. At ipinanganak ang sistemang paulit-ulit nating pinapayagang lokohin
tayo: pami-pamilyang may-ari ng mga balwarte saan mang sulok ng bansa na
ginagamit ang buwis bilang kanilang sariling ‘trust-fund’.
Ang epekto, halos lahat ng nasa pamahalaan
ay interesado lamang gatasan ang baka na tinatawag nating ‘kaban ng bayan’ at
walang kumikilos para sa ikauunlad ng bansa. At isang pamahalaan na hindi handa
para sa mga malalaking hamon ng isang nagbabagong daigdig.
No comments:
Post a Comment